Hindi pa rin natatagpuan ang nawawalang Filipina sa Kuwait na pinaghahanap sa nakalipas na 18-buwan.
Muling umapela ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa publiko na tumulong para mahanap si Ronalyn Yonting Lawagan, isang household service worker, na huling nakausap ng kaniyang pamilya noong Pebrero noong nakaraang taon.
Tumakas umano sa kaniyang Kuwaiti employer si Lawagan.
Ayon sa DFA, noong April 2018 lamang naipagbigay-alam sa kanila ang pagkawala ni Lawagan matapos maiulat sa Embahada ng Pilipinas.
Base sa pakikipag-ugnayan ng embahada sa Kuwaiti authorities, walang rekord na nakaalis na ng Kuwait si Lawagan.
Hinanap na rin ng mga otoridad si Lawagan sa mga local prison at ospital sa Kuwait pero hindi siya natagpuan.
Para sa mga Pinoy sa Kuwait na maaring makakuha ng imporasyon sa kinaroroonan ni Lawagan maaring tumawag sa Office of Public Diplomacy sa Maynila, +632-834-4483 at sa Philippine Embassy sa Kuwait, +965-6500-2612.