Pinay domestic worker 18 buwan nang nawawala sa Kuwait ayon sa DFA

Hinahanap na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) na nagtatrabaho sa Kuwait matapos itong mapaulat na nawawala sa loob ng isa’t kalahating taon.

Nakilala ang Pinay na si Ronalyn Yonting Lawagan na isang household service worker.

Batay sa ulat na natanggap ng DFA, sinasabing tumakas si Lawagan mula sa kanyang mga amo. Huli itong nakausap ng kanyang pamilya noon pang Pebrero ng nakaraang taon.

Ayon sa DFA, April 2018 nang malaman nila ang tungkol sa pagkawala ni Lawagan dahil inireport ng kanyang recruitment agency sa embahada ng Pilipinas ang kanyang pagkawala.

Ayon naman kay Charge d’Affaires Mohammad Nordin Pendosina Lomondot, nakikipag-ugnayan na sila sa mga otoridad ng Kuwait upang mahanap ang Pinay service worker.

Posibleng nasa Kuwait pa rin si Lawagan dahil batay sa kanyang travel records ay hindi pa ito nakalalabas ng nasabing bansa.

Iniisa-isa na rin ng embahada ng Pilipinas ang mga kulungan at ospital sa Kuwait upang mahanap ang nawawalang OFW.

Panawagan ni Lomondot sa mga Pinoy na nasa Kuwait at alam ang kinaroroonan ni Lawagan, agad itong ipagbigay alam sa mga otoridad upang matulungan ng Philippine Embassy.

Read more...