Ito ay para sa kasong katiwalian kontra kay Vitangcol kaugnay sa extortion o pangingikil ng $30 million sa Inekon Group kapalit ang maintenance contract ng MRT.
Sa pasya ng 3rd division ng anti-graft court, tinanggihan nito ang motion for reconsideration ni Vitangcol dahil sa kawalan ng merito.
Maliban dito, naihain ang MR ni Vitangcol nang lagpas sa limang araw na taning.
Sa MR ni Vitangcol, iginiit niyang huwag idaan sa video conference ang pagtestigo nina dating Czech ambassador to the Philippines Josef Rychtar na nasa Chile; at Inekon Group chief executive Josef Husek na nasa Czech Republic naman.
Katwiran ni Vitangcol, malalabag ang kanyang karapatan kung sa pamamagitan ng video conference ang pagtestigo ng dalawa at wala rin daw siyang tsansa na makompontra ang mga ito.
Subalit ayon sa Sandiganbayan, pinapayagan ang video conference bilang exception sa panuntunan ng korte.
Ihahanda naman ng 3rd divison ang requirements para sa pagkuha ng testimonya nina Rychtar at Husek.