Plano ng Boracay Inter-Agency Task Force na magsagawa ng “dry run” para sa nakatakdang pagbubukas muli ng isla sa Oktubre.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Environment Secretary Roy Cimatu na posibleng gawin ang dry run sa October 15 hanggang 25, 2018.
Ayon kay Cimatu, ang dry run ay bukas muna sa mga lokal na turista at prayoridad ang mga Aklanon.
Layon aniya ng dry run na i-assess kung ano pa ang mga kailangan ng Boracay bago ito tuluyang buksang muli para sa domestic and foreign tourists sa October 26, 2018.
Sa unang araw ng dry run, isang libong hotel rooms lang ang bubuksan, ayon kay Cimatu.
Matatandaang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang isara ang Boracay upang maisailalim sa rehabilitasyon.
Samantala, kinumpirma ni Cimatu na pinalawig ang one-stop shop operation sa isla mula August 25 hanggang September 7, 2018.
Ito’y upang mabigyan ng pagkakataon ang mga establisimyento na makasunod sa mga requirement.
Payo naman ni Cimatu sa publiko na bago magpa-book ng hotel sa Boracay,
hintayin muna ang anunsyo ng Department of Tourism (DOT) ukol sa “compliant and accredited establishments” na magbubukas sa October 26.