Nilagdaan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang batas na nagpapalawak sa ibinibigay na financial assistance ng gobyerno sa mga mahihirap at karapat-dapat na mga estudyante sa kolehiyo.
Ang Republic Act 10687 na mas kilala na Unified Student Financial Assitance System for Tertiary Education Act o UNIFAST ay pinirmahan ng Pangulong Aquino at isa nang ganap na batas.
Ang UNIFAST Law ang magsasaayos ng alokasyon at paghahanap ng pondo para maging mas abot-kamay ang de-kalidad na higher at technical education.
Ito ang inaasahang magiging kaagapay ng Iskolar ng Bayan Act na kumikilala at nagbibigay ng gantimpala sa mga Top 10 graduates mula sa 8,000 public high schools sa buong bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng tuition fee at iba pang tulong sa sandaling sila ay mag-enroll sa alinman sa mga State Universities and Colleges sa Pilipinas.
Sa ilalim kasi ng Iskolar ng Bayan Act, libre lang ang tuition fee at iba pang fee sa unang taon ng kolehiyo.
Dahil sa pagkakapasa ng UNIFAST Law, ang tuition fee para sa mga estudyanteng beneficiaries ay sasagutin ng gobyerno hanggang sila ay makapagtapos.