Hinamon ni Pangulong Noynoy Aquino ang bawat Pilipino na makiisa sa isinusulong na Greening Program ng pamahalaan para pigilin ang masamang epekto ng Climate Change.
Sa kanyang pagsasalita sa taunang Community-Based Forest Management National Greening Program (CBFM-NGP) sa World Trade Center, inisa-isa ng Pangulo ang mga naging hakbang ng administrasyon para ayusin ang ating mga kagubatan.
Ayon sa pangulo, “noong 2011 ay nasa kabuuang 6.8-million hectares lamang ang kabuuang sukat ng kagubatan ng bansa pero ngayon ay umaabot na ito sa 8-million hectares dahil sa masigasig na hakbang ng pamahalaan”.
Ipinagmalaki rin ng pangulo na target ng kanyang pamahalaan na bawasan ng 70-percent ang greenhouse emissions hanggang sa taong 2030. “Magagawa lamang natin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagbabalik ng mga puno sa ating mga kagubatan”, dagdag pa ng Pangulong.
Sa kanyang pagbisita sa mga lugar na sinira ng bagyong Lando, sinabi ng pangulo na kapansin-pansin ang mga nagkalat na troso na palatandaan na tuloy pa rin ang illegal loggings sa ibat-ibang panig ng bansa.
Pero ipinaliwanag ng chief executive na kumpara noong 2011, nasa 23 areas na lamang ang maituturing na hot spots para sa illegal logging kumpara sa dating 197.
Kanya ring sinabi na ang mga nakukumpiskang mga troso ay ginagamit ng pamahalaan sa pagpapa-gawa ng mga school desks at repair ng mga government buildings na nasira ng mga kalamidad.