Sa isang statement na Justice Now!, kinokondena nila ang naging desisyon ng Quezon City Regional Trial Court branch 221 na payagang makalabas ng kulungan si Ampatuan noong August 21 para makadalo sa kasal ng anak.
Ayon sa grupo, binubuo ng mga pamilya ng mga namatay sa masaker, labis na nagdurugo ang kanilang puso at sila’y galit na galit dahil sa anila’y pagsasawalang-bahala ng korte sa damdamin nila.
Ang masaklap, hindi raw sila nasabihan na dumulog pala sa korte si Ampatuan at kinalauna’y pinagbigyan ang hiling na furlough.
Hinanakit ng Justice Now!, nakalanghap ng hangin ng kalayaan si Ampatuan, kahit sa maikling panahon para makapiling ang kanyang pamilya bagay na habambuhay na ipinagkait sa mga mahal sa buhay ng 58 indibidwal na napaslang sa karumal-dumal na masaker.
Giit ng grupo, kung nabigyan lamang sila ng impormasyon ay hindi nila ito palalampasin at mahigpit na tututulan.
Hindi naman naiwasan ng Justice Now! na maglabas din ng hinanakit sa kanilang tagapagtanggol sabay tanong kung makakaasa pa ba sila ng katarungan dahil mag-iisang dekada nang nasa korte ang kaso.
LOOK: Mga kaanak ng mga nasawi sa Maguindanao massacre, nainsulto sa “furlough” ni Zaldy Ampatuan | @isaavendanoDZIQ pic.twitter.com/sIKcxa7AYH
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) August 23, 2018