LPA sa labas ng bansa, posibleng maging bagyo sa loob ng 24-48 oras

Isa nang low pressure area (LPA) ang cloud circulation na binabantayan ng PAGASA sa Hilagang-Kanluran ng Luzon.

Sa 4am weather advisory ng PAGASA, namataan ang sama ng panahon sa layong 305 kilometro Hilagang-Kanluran ng Extreme Northern Luzon.

Ayon sa weather bureau, posible itong mamuo bilang bagong bagyo sa susunod na 24 hanggang 48 oras.

Sa ngayon ay patuloy na makakaapekto ang Habagat sa ilang bahagi ng Luzon.

Makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes, Babuyan Group of Islands, Zambales at Bataan.

Ang Metro Manila naman at nalalabing bahagi ng Luzon, buong Visayas at Mindanao ay makararanas ng maalinsangan na panahon liban na lamang sa mga pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Patuloy ding binabantayan ang dalawang bagyo sa labas ng bansa.

Ang Typhoon Soulik ay huling namataan sa layong 1,415 kilometro Hilaga-Hilagang-Silangan habang ang Typhoon Cimaron naman ay huling namataan sa layong 1,660 kilometro Hilagang-Silangan ng Extreme Northern Luzon.

Hindi pa rin inaasahang papasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang dalawang bagyo.

Gayunman ay patuloy nitong hinahatak ang Habagat na nagpapaulan sa ilang bahagi ng Luzon.

Mapanganib ang paglalayag ng mga mangingisda sa mga karagatan ng Batanes, Babuyan Group of Islands, Northern Coast ng Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan dahil sa nakataas na gale warning.

Read more...