Naiintindihan ng Palasyo ng Malacañan ang hugot ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos na panahon na para mag-move on ang mga Pilipino kaugnay sa hidwaan ng kanyang pamilya at ng pamilya ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sinasagot lamang ni Marcos ang batikos sa kanyang pamilya.
Una rito, hinimok ni Marcos ang kanyang mga ka-edaran na mag-move on na lalo’t naka-move na rin naman ang mga millennials.
Ginawa ni Marcos ang pahayag kasabay ng paggunita sa anibersaryo ng kamatayan ni dating Senador Ninoy Aquino.
Ayon kay Roque, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, hangad nilang magkaroon na ng pagkakaisa anuman ang ideolohiya at grupong kinaaniban para sa pag-unlad ng bansa.
Tuloy din aniya ang pagrekober sa mga ill-gotten wealth ng mga Marcos sa pamamagitan ng Philippine Commission on Good Government (PCGG) habang ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng Martial Law ay mabibigyan ng kompensasyon sa pamamagitan ng Human Rights Victims’ Claims Board.