Dead on the spot ang isang lalaking sinasabing holdupper matapos makipagbarilan sa mga pulis sa kahabaan ng Aurora Boulevard sa Quezon City.
Sa ngayon ay wala pang pagkakakilanlan ang nasawing lalaki.
Ayon sa mga pulis, nakatanggap sila ng ulat tungkol umano sa dalawang kahina-hinalang lalaki na umaaligid sa lugar. Kaya naman nagtungo ang mga pulis at doon nakita ang dalawang lalaking tila mayroong inaabangan sa tabi ng kanilang motorsiklo.
Nang sitahin ay agad na nagpaputok ang mga suspek, dahilan upang gumanti ng putok ang pulisya.
Tinamaan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang suspek na nagresulta sa kanyang pagkamatay, habang tumakas naman ang kanyang kasama sakay ng kanilang motorsiklo.
Narekober ng mga pulis ang isang hindi pa batid na kalibre ng baril mula sa pinangyarihan ng insidente.
Samantala, patuloy namang tinutugis ng mga otoridad ang nakatakas na holdupper.