OSG pinababasura sa SC ang petisyon para ihinto ang Boracay closure

Umapela ang Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema na ibasura ang ‘petition for prohibition and mandamus’ laban sa Boracay Closure.

Sa kanyang 61 pahinang komento, sinabi ni Solicitor General Jose Calida na dapat ibasura ang petisyon dahil sa ‘lack of merit.’

Ang petisyon ay inihain nina Mark Anthony Zabal at Thiting Jacosalem na nirepresenta ni Atty. Angelo Karlo Guillen ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) Panay Chapter.

Ayon kay Calida, ang sitwasyon sa Boracay na dulot ng human-induced hazards ay kailangang masolusyonan.

Sakali anyang hindi umaksyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa kalagayan ng Boracay ay maaaring maharap ito sa paglabag sa sinasabi ng Konstitusyon tungkol sa kanyang pananagutan.

Matatandaang isinailalim ang Boracay sa ‘state of calamity’ dahil sa rekomendasyon ng NDRRMC.

Bunsod nito ay inutos ng pangulo ang pagsasara sa Boracay ng anim na buwan para isailalim sa rehabilitasyon.

Ayon kay Calida, ang pagsasara sa Boracay ay alinsunod lamang sa kapangyarihan ni Duterte bilang punong ehekutibo sa ilalim ng Sections 1 at 17 ng Article VII ng Saligang Batas.

Read more...