Mga bars at clubs sa Makati na makukuhaan ng droga, ipasasara

Planong ipasara agad ang mga establisyimento sa Makati City na makukuhaan ng mga iligal na droga ayon kay Mayor Abigail Binay.

Ito ay kasunod ng raid sa Time Bar sa Barangay Poblacion kung saan nasamsam ang iba’t ibang iligal na droga tulad ng cocaine, ecstasy, shabu at high grade na marijuana.

Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni Mayor Binay na kahit walang kinalaman ang bar at mga parokyano lang ang may dala ng droga ay ipatutupad ang ‘one strike policy’.

Iginiit ng opisyal na maaari kasing laging irason ng establishment owners na wala silang kinalaman dito at dala lang ng customers ang mga droga.

Ayon kay Binay, problema na ito ng mga business owners at kailangang ipatupad ang polisiya upang masiguro na walang mga iligal na aktibidad sa kanilang mga establisyimento.

Kolaborasyon ng city government at mga business owners sa Poblacion ang ‘one-strike policy’.

Samantala, sa susunod na linggo ay planong pakiusapan din ang business owners sa buong lungsod tungkol sa polisiya.

Read more...