Hiniling ng siyam na opisyal ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) kay Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin na si Assistant Secretary Mocha Uson sa gitna ng mga batikos dahil sa video ukol sa pederalismo na ipinost nito sa kanyang blog.
Ginawa ng mga opisyal ng PCOO ang panawagan sa pamamagitan ng liham sa Pangulo at binigyan ng kopya ang tanggapan nina Executive Secretary Salvador Medialdea at Special Assistant to the President Bong Go.
Ayon sa mga opisyal, dapat ng tanggalin si Uson dahil nilabag nito ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na nag-oobliga sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na maging professional, matalino, at mayroong highest degree of excellence sa trabaho.
Pinaalalahanan naman ng PCOO ang mga opisyal at empleyado nito na mag-ingat sa kanilang post sa social media.
Nagmatigas si Uson na humingi ng paumanhin dahil sa “Pepe-Dede-ralismo” video kasama ang isa pang blogger.
Habang ang pangulo naman ay hindi natawa sa naturang video.