Pilipinas hindi mababangkarote sa utang sa China – DOF

Hindi mababangkarote o bankrupt ang Pilipinas sa mga utang nito sa China para sa mga proyektong pang-imprastraktura,

Ito ang iginiit ng Department of Finance sa press briefing sa Malacañang kasunod ng pagkansela ng Malaysia sa mga proyekto nito na popondohan ng China dahil sa posibleng pagka-bankrupt.

Ayon kay Finance Assistant Secretary Paola Alvarez, wala dapat ipag-alala ang publiko dahil mayroong revenue sources ang gobyerno para bayaran ang foreign loans.

Isa anya rito ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN 1) na sisigurong may kikitain ang gobyerno para ipambayad utang.

Dahil dito ay iba anya ang Pilipinas sa ibang bansa tulad na lamang ng Malaysia dahil naplano na ng gobyerno kung paano babayaran ang foreign loans.

Samantala, sinabi rin ni Alvarez na bumyahe na patungong China ang mga economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte para isapinal ang negosasyon sa mga loan na gagamitin sa mga infrastructure projects.

Kabilang sa mga proyekto ay ang Philippine National Railways’ South Long Haul Project, Chico River Pump Irrigation Project, New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project at Davao-Samal Bridge Construction Project.

Read more...