P2.2 Billion ilalaang pautang sa mga operator at driver ng PUVs

Aabot sa P2.2 Billion na pautang ang ilalaan ng pamahalaan na pautang sa mga operator at driver ng Public Utility Vehicles.

Ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, miyembro ng House Committee on Appropriations, ang P2.2 Billion ay para sa low-cost financing sa pagbili ng mga configured buses, vans at jeepneys sa ilalim ng programa.

Nakapaloob anya ang nasabing pondo sa ‘unprogrammed appropriations’ sa ilalim ng P3.757 Trillion na pambansang budget na laang gugulin sa susunod na taon.

Ilalagay ang pondo sa Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines kung saan tig P1.1 Billion ang ilalagay sa bawat bangko.

Bukod dito, maglalaan din ang pamahalaan sa ilalim ng PUV modernization program sa susunod na taon ng P447 Million upang matiyak ang tuluy-tuloy na suporta sa modernisasyon ng public transport.

Bukod pa ito sa P843 Million na alokasyon ng programa ngayong 2018.

Nakapaloob sa nasabing modern transport program na kailangang may sampung units ang isang operator para makakuha sila ng prangkisa sa LTFRB.

Read more...