Batay sa Bureau of Jail Management and Penology o BJMP, nakalabas ng kulungan si Ampatuan kahapon (August 21), mula 4PM hanggang 7PM para dumalo sa kasal ng anak sa isang hotel sa Pasay City.
Sa isang statement, sinabi ng NUJP na batid nila ang kagustuhan ng isang magulang na makadalo sa kasal ng anak.
Pero, sadyang nakakabahala anila na pinagbigyan ng korte na makalabas si Ampatuan na mastermind ng masaker na ikinasawi ng limampu’t walong indibidwal, kabilang na ang mahigit tatlumpung mamamahayag.
Siyam na taon na ang nakalilipas nang maganap ang masaker, pero wala pa ring napapanagot.
Ang masaklap, ayon sa media group, isa sa mga principal accused na si Sajid Ampatuan ay nakapagpiyasa at kahapon, nakapag-furlough pa si Zaldy Ampatuan.
Dahil dito, iginiit ng NUJP na kailangang magpaliwanag ang prosekusyon sa publiko kung bakit tila napapaburan ang mga Ampatuan.
Ano rin daw ang ginawa ng state prosecutors para hadlangan ang petisyon ni Ampatuan sa korte, at kung nasabihan man lamang ba ang mga kaanak ng mga biktima hinggil dito.