Hindi na lang ang mga bansang ‘claimants’ sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea ang sangkot sa usapin, kundi maging ang mga makapangyarihang bansa.
Ayon kay Prof. Rommel Banlaoi, isang security expert, kung dati ay ang agawan lamang sa teritoryo ang pinag-uusapan sa West Philippine Sea ngayon ay kasama na rin sa usapin ang ‘major power competition’ ng malalaking bansa sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Tinukoy ni Banlaoi ang mga bansang Estados Unidos, Japan, Australia at maging ang United Kingdom. “Hindi na lang ito conflict among claimants, involved na diyan ang major powers gaya ng US, Japan, Australia and even UK is very concern sa nangyayari sa South China Sea. The South China Sea dispute is already an expression of major power rivalry,” ayon kay Banlaoi sa panayam ng Radyo Inquirer.
Kasabay nito sinabi ni Banlaoi na maaring gumagawa na ng “calibrated actions” ang China para mapigilan ang US na ituloy o ulitin ang ginawang pagpapatrulya sa itinatayong isla.
Sinabi ni Banlaoi na bagaman naniniwala ang US na bahagi ng international water ang kanilang pinasok, naninindigan naman ang China na internal water at teritoryo nila ang pinuntahan ng USS Lassen.