Random drug testing isinagawa ng LTFRB sa Araneta Bus terminal

LTFRB Random Drug Testing Erwin
Kuha ni Erwin Aguilon

Isinailalim sa drug testing ang mga driver at kunduktor ng mga pampasaherong bus sa Araneta Center Bus Terminal sa Cubao, Quezon City.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Ginez, negatibo naman ang resulta ng mga pagsusuri na isinagawa sa mga driver at kunduktor.

Ginawa ang random drug testing para matiyak na ligtas magmaneho ang mga bus drivers at ligtas din ang kanilang mga pasahero.

Paliwanag ni Ginez kung ang isang driver ay mag-negatibo, papayagan itong makaalis ng terminal at makabiyahe. Gayunman, kung ang isang driver ay magpopositibo, hindi na siya papayagang bumiyahe at ang bus na kaniyang dala ay ipapamaneho sa iba na negatibo sa test.

Sa sandaling mag-positibo sa test ng LTFRB, sasailalim sa proseso ng pulisya at kukuhanan ng mga kailangang impormasyon. Ang specimen na nakuha mula sa kaniya ay isasailalim naman sa confirmatory test.

Sinabi ni Ginez na tatlong araw ang proseso ng confirmatory test bago malaman kung talagang positibo nga sa shabu o marijuana ang kanilang sinuri.

“Ang mga negative na resulta ay papayagang bumiyahe, kapag positive naman ay hindi sila papayagang bumiyahe. Itu-turnover ang driver na magpopositibo sa mga police contingent na kasama namin for further processing. Dadalhin naman ang specimen niya sa East Avenue Medical Center para sa confirmatory tests na tatagal ng 3 days bago magkaresulta,” ayon kay Ginez.

Sa susunod na mga araw, ibang terminal naman sa Metro Manila ang pupuntahan ng LTFRB para magsagawa ng random drug testing.

Read more...