Pinadalhan ng summon ng Chinese Government ang ambassador ng Estados Unidos sa China na si Max Baucus matapos ang pagpapatrulya ng US Navy malapit sa itinatayong isla sa West Philippine Sea.
Si Chinese Vice Foreign Minister Zhang Yesui ang nagpatawag kay Baucus matapos ang paglapit ng USS Lassen sa Zhubi reef na ayon sa China ay maituturing na paglabag dahil sa kawalan ng permiso.
Sa report ng China.org.cn, binanggit ni Zhang kay Baucus ang pagkadismaya ng gobyerno ng China sa ginawa ng pagpapatrol ng US warship sa karagatan na malapit sa tinatawag nilang “Nansha Islands.
Iginiit umano ni Zhang kay Baucus na ang ginawa ng US ay paghahamon o pagbabanta sa sovereignty at security interests ng China at naging banta sa kaligtasan ng mga tauhan na naroon sa isla, sa pasilidad at sa mga coral reefs.
Babala ni Zhang, gagawin ng China ang lahat ng hakbang para mapigilan ang anumang paghahamon mula sa anumang mga bansa.
Pinaalalahanan din ni Zhang ang US sa nauna nitong commitment na hindi ito makikialam sa mga usapin ng territorial disputes.