Zaldy Ampatuan nakalabas ng kulungan para dumalo sa kasal ng anak – BJMP

AFP Photo

Nakalabas ng kulungan si dating Autonomous Region in Muslim Mindnanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan, na isa sa mga suspek sa malagim na Maguindanao Massacre.

Kinumpirma ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Xavier Solda na pansamantalang nakalabas mula sa Quezon City jail annex sa Camp Bagong Diwa si Ampatuan, mula alas-4 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi, kahapon, araw ng Martes, August 21.

Batay kay Solda, dumalo si Ampatuan sa kasal ng kanyang anak sa isang hotel sa Pasay.

Ayon sa BJMP, pinayagan ng korte si Ampatuan na makapunta sa kasal ng anak, pero sa loob lamang ng tatlong oras.

May lumabas naman na mga litrato sa social media, kung saan makikita si Ampatuan na kasama niya ang pamilya.

Nakabalik si Ampatuan sa bilangguan bago mag-alas-7 ng gabi.

Si Ampatuan ay isa sa mga sinasabing mastermind sa Maguindanao massacre na ikinasawi ng 58 katao, kabilang na ang mahigit 30 mamamahayag noong November 2009.

Read more...