‘Plain murder’ at hindi maaring pangatwiranan ng New People’s Army (NPA) ang ginawang pagpaslang kay Loreto, Agusan Del Sur Mayor Dario Otaza at anak niyang si Daryl.
Ayon sa New York-based Human Rights Watch (HRW) maituturing na ‘plain murder’ ang ginawa ng NPA sa mag-amang Dario at Daryl na isang araw matapos dukutin mula sa kanilang tahanan ay kapwa nakitang wala nang buhay noong October 20.
Sinabi ni Phil Robertson, Deputy Asia Director ng HRW, ang ginawa sa mag-amang Otaza ay gaya lang din ng mga nagdaang kaso ng NPA executions.
Una nang inako ng NPA ang pagdukot at pagpatay sa 53 anyos na alkalde at 27 anyos na anak na si Daryl at sinabing ang kanilang ginawa sa mag-ama ay maituturing na revolutionary justice.
Pero ayon kay Robertson labag sa international law ang ginagawa ng NPA. “The NPA’s actions and claims of revolutionary justice handed down by people’s courts are flagrant violations of international law,” ayon kay Robertson.