EDSA-Tramo Flyover isinara dahil sa oil spill, mga pasaherong pa-NAIA biktima ng traffic

eDSA tRAMOHalos dalawang oras na isinara ang southbound lane ng flyover ng Edsa-Tramo sa Pasay City, dahil sa tumagas na langis mula sa isang pampasaherong bus.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), alas 5:50 ng Miyerkules ng umaga, October 28 nang matanggap nila ang report na isang Philtranco Bus ang naaksidente paakyat sa flyover ng Edsa-Tramo.

Dahil sa pagbangga sa concrete barrier, tumagas ang langis ng bus na may plate number UVJ 946, at kumalat sa kalsada.

Kinailangang isara ang nasabing flyover dahil delikado para sa mga motorista kung madaraanan ang tumagas na langis.

Ayon kay Charlie Nozares ng MMDA Metrobase, alas 8:30 ng umaga, umabot na sa bahagi ng Mother Ignacia sa Quezon City ang tukod ng traffic ng mga sasakyan sa Edsa Southbound.

Ang mga patungo naman ng airport ay pinayuhang sa Roxas Boulevard na lamang dumaan para hindi sila mahuli sa flight.

Alas 7:40 na ng umaga nang mabuksan ang isang linya ng flyover matapos tabunan ng lupa ang natirang oil spill sa kalsada.

Alas 8:28 ng umaga nang tuluyan nang mabuksan sa mga motorist ang dalawang linya ng flyover.

Read more...