Barangay captain patay sa pamamaril sa Negros Occidental

Patay sa pamamaril ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang isang punong barangay sa Barangay Cabcab, bayan ng Isabela, Negos Occidental.

Kinilala ang biktima na si Rhoy Pagapang na chairman ng Barangay Libas sa kaparehong bayan.

Ayon kay Isabela Municipal Police acting chief, Senior Superintendent Randy Babor, patungo ng Barangay Cabcay ang biktima nang pagbabarilin ito ng apat na hindi nakilalang mga salarin na nakasuot ng bonnet.

Tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ni Pagapang.

Narekober mula dito ang ilang mga basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Nabatid na dalawang buwan na ang nakararaan nang makulong si Pagapang matapos ituring na suspek sa pamamaril sa mag-asawang Joemy at Janet Gelacio sa Barangay Libas.

Kinasuhan din ito ng Sangguniang Bayan ng Isabela ng grave misconduct in office at gross negligence dahil sa pagbebenta umano ng lupang pag-aari ng Libas Agrarian Reform Benefeciaries Cooperative.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad tungkol sa insidente, partikular ang pagkakakilanlang ng mga salarin at motibo sa pamamaslang.

Read more...