PBA Rep. Nograles, kinasuhan ng mga Grab drivers dahil sa pagbatikos sa kanilang P2 per minute charge

Kuha ni Chona Yu

Kinasuhan ng grupo ng mga Grab drivers si PBA Party-list Rep. Jericho Nograles na bumatikos sa kanilang P2 per minute charge.

Sinampahan ng Grab drivers ang kongresista ng P5 milyong damage case.

Ang naturang extra charge ng Grab ay sinuspinde noong Abril matapos akusahan ni Nograles ang transport service na hindi nila sinabihan ang kanilang mga pasahero.

Noong nakaraang buwan ay inutusan naman ang Grab na magbayad ng P10 milyong multa at mag-reimburse sa kanilang mga riders.

Pero ayon sa mga nagreklamong Grab drivers, dahil sa suspensyon ng per minute
charge ay naapektuhan ang kanilang kita.

Dahil dito ay nahirapan umano silang bayaran ang hulog sa mga sasakyan na kanilang ginagamit bilang Grab partner.

Bunsod anila ng hakbang, nasa P655 na lang ang arawang kita ng Grab drivers matapos ang 17 hanggang 18 oras na biyahe mula sa dating P1,588 per day.

Samanala, sinabi ni Nograles na act of desperation ang kaso ng Grab drivers.

Hinimok ng mambabatas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pilitin ang Grab na magbayad ng multa.

Read more...