Pinagpapublic apology ng Manila International Airport Authority o MIAA ang Xiamen Airlines sa abala at pinsalang idinulot ng pagsadsad ng eroplano nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, dumating na sa bansa na ang 11 -man delegation ng Xiamen Air at hiniling niya sa mga ito na gumawa ng statement na naghahayag ng kanilang taimtim na paumanhin sa mga pasahero na naperwisyo ng insidente na kinasasangkutan ng kanilang eroplano.
Pagkakataon na rin aniya ito ng naturang airline company para iparating ng sentimyento nito.
Samantala, pumayag na aniya ang Xiamen Air sa kanyang isa pang suhestiyon na magbigay ng kaunting token para maibsan ang sama ng loob ng mga pasahero na stranded ngayon sa NAIA dahil sa mga delayed flights.
Ipinayo niya dito na mamigay naman kahit ng pagkain o tubig sa mga apektadong pasahero.
Tiniyak naman ng mga kinatawan ng Xiamen Air na agad nilang ipapatupad ang pamimigay ng token.