Lumabas sa ulat na sa isang internal memo ni Caguioa sa kanyang mga kapwa mahistrado, nais niyang ma-re-raffle ng Supreme Court, na tumatayong Presidential Electoral Tribunal o PET, ang Marcos-Robredo poll protest.
Sa paliwanag ni Caguioa, na justice-in-charge sa nasabing poll protest, gusto niyang iba na sana ang humawak sa kaso dahil may mosyon para sa kanyang inhibition si Marcos.
Imbes na mag-inhibit ay mas gusto ni Caguioa na ma-re-raffle na lang ang kaso upang maging parte pa rin siya ng deliberasyon at makaboto pa rin siya.
Pero sa pasya ng Korte Suprema, “unanimously” na ibinasura ang hiling ni Caguioa.
Sa isang statement ng Public Information Office ng Supreme Court, kinumpirma nito na walang pagbabago sa paghawak sa electoral protesta no. 0005 o Marcos versus Robredo.
Gayunman, umapela ito sa media na maging maingat at “discerning” sa paglalabas o pag-uulat ng “unofficial and pending matters” na aaksyunan pa ng korte, upang maiwasang mailigaw ang mga tao.