Ariana Grande, naiiyak pa rin kapag naaalala ang Manchester tragedy

Hindi napigilang maluha ng popstar na si Ariana Grande nang pag-usapan ang Manchester attack noong nakaraang taon.

Sa pagpapasinaya sa kanyang bagong kantang ‘Get Well Soon’, sinabi ng singer na permanente nang apektado ng naturang pangyayari ang mga tao.

Binago anya ng trahedya ang lahat.

Matatandaang 22 katao ang nasawi matapos ang suicide bombing na naganap sa concert ni Grande noong May 2017 sa Manchester Arena.

Inamin kamakailan ng singer na siya ay kasalukuyang lumalaban sa mga sintomas ng post-traumatic stress disorder (PTSD).

Sa isang panayam, sinabi ni Ariana na ang kanyang bagong kanta ay tungkol sa pagdamay at pagtulong sa isa’t isa sa panahon ng kalungkutan.

Sa pamamagitan anya ng kanta ay gusto niyang magbigay ng yakap sa mga tao.

Ayon sa singer nais ng mga terorista na manakot pero hindi dapat mamuhay sa takot ang mga tao.

Samantala, sa isang light moment ng panayam sinabi ni Ariana na umaasa siyang ikasal sa loob ng limang taon at gusto niyang magkaroon ng tatlong anak.

Read more...