Dapat humingi ng paumanhin ang mga anak ni dating Pangulo Ferdinand Marcos sa mga pagkakamali at pagkukulang ng kanilang ama sa sambayanang Pilipino.
Ito ang pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga miyembro ng Foreign Correspondents Association of the Philippines o FOCAP.
Bagaman hindi direktang itinuro si Marcos bilang utak sa pagpatay sa kanyang ama na si dating Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr., sinabi ng pangulo pinahintulutan nito ang uri ng gobyerno na nagbigay-daan para mangyari ang pagpatay sa kanyang ama.
Paliwanag ni PNoy, kahit hindi dapat sisihin ang mga anak sa kasalanan ng magulang, dapat kilalanin ng anak ang ginwang kasalanan ng kanilang magulang.
Matatandaang simula nang mapatay si Ninoy, hindi na naging maganda ang relasyon ng dalawang pamilya.
Hanggang sa ngayon, hindi pa rin pormal na humihingi ng paumanhin si Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa mga biktima ng human rights violations sa ilalim ng diktaturya ng kanyang ama.
Sa naturang panayam sa FOCAP, ipinagkibit-balikat lamang ni Pangulong Aquino ang mga pahayag na unti-unti nang bumabalik sa kapangyarihan ang angkan ng mga Marcos sa bansa.