NAIA runway closure, senyales na kailangan na ng bagong airport – Ejercito

Matapos ang nangyaring aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), nais ni Senador JV Ejercito na magkaroon ng upgrade sa mga paliparan ng Pilipinas.

Sa inilabas na pahayag ni Ejercito, senyales ang nangyaring aberya na kailangang magkaroon ng bagong airport sa bansa.

Hindi na aniya uubra ang isang international airport sa bansa.

Giit pa nito, ang pinakamadaling solusyon sa problema sa paliparan ay ang pagkakaroon ng twin airport system sa pagitan ng NAIA at Clark International Airport tulad ng Narita at Haneda airport sa Tokyo.

Hinimok din ni Ejercito na madaliin ang kontruksyon ng Philippine National Railways (PNR) north rail line project patungo sa Clark International Airport at ang bagong terminal na nagkakahalaga ng P12 bilyon.

Samantala, sumang-ayon naman si Senador Sherwin Gatchalian sa iminungkahi ni Ejercito para maiwasan ang abala sa mga pasahero.

Aniya, ang pagsasaayos ng air transport system ng bansa ay daan para sa paglago ng ekonomiya at turismo sa bansa.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa pagsadsad ng isang eroplano ng Xiamen Airlines sa NAIA runway.

Read more...