Nagluluksa ang Palasyo ng Malakanyang sa pagpanaw ng dating Secretary-General ng United Nations (UN) at Nobel Peace Prize Laureate na si Kofi Annan.
Sa mensaheng ipinadala sa media araw ng Linggo, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na gumawa ng kasaysayan si Annan matapos itong mahirang bilang kauna-unahang black African para pamunuan ang UN at ang mga kawang-gawa nito ay umani ng mga pagkilala dahilan para siya ay tanghalin bilang top diplomat ng Nobel peace prize.
Sa hiwalay na mensahe, sinabi naman ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na inaalala ng Pilipinas si Kofi Annan sa kanyang walang kamatayang commitment sa multilateralism na nagdulot ng pagkakaisa sa iba’t ibang nasyon sa mundo na sinira ng kaguluhan.
Si Annan ay nasawi nitong Sabado sa Bern, Switzerland sa edad na 80.
Siya ay isang Ghanaian national na nagretiro sa Geneva matapos magsilbi ng dalawang termino bilang UN Secretary General.
Naghayag naman ng pakikiramay ang world leaders sa mga naulila ni Annan na tinawag nilang “guiding force for good, great leader at reformer ng UN at diplomat ordinaire”