Pumalo na sa mahigit 300 ang bilang ng mga nasawi sa pagbaha sa southern Kerala, India.
Sa inilabas na pahayag ng information officer sa lugar, umabot na sa 357 ang kabuuang bilang ng mga nasawi simula ng manalasa ang matinding pag-uulan noong May 29.
Mahigit 353,000 katao naman ang inilikas sa kanilang mga bahay at pansamantalang nanunuluyan sa 3,026 evacuation centers.
Nakahanda ang libu-libong sundalo para umalalay sa mga bakwit sa iba’t ibang relief camp.
Pagdating naman sa imprastraktura, umabot na sa $3 bilyon halaga ang napinsala sa nasabing lugar kung saan ilang kalsada at 134 tulay ang nasira lalo na sa remote areas.
Dahil dito, humiling na ang state chief minister ng dagdag-pondo, 20 pang helicopter at 600 na motorised boats para sa pagpapatuloy ng rescue operations.
Nangako naman si Indian Prime Minister Narendra Modi ng $75 milyon pondo matapos magsagawa ng aerial inspection sa lugar.