Mahigpit na ipatutupad ng Toll Regulatory Board o TRB sa pakikipagtulungan sa mga pamunuan ng iba’t ibang expressways ang Oplan Ligtas-Biyahe: Undas 2015.
Katuwang ng TRB ang Skyway O&M Corporation (Somco), Manila Toll Expressway System, Inc. (Mates) at Star Tollway Corporation (STC), Skyway System, South Luzon Expressway (Slex) at Star Tollway sa Batangas sa pagpapatupad nito mula October 30 hanggang November 2.
Ito ay bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga sasakyang magbi-biyahe gamit ang mga nasabing mga toll plaza sa panahon ng undas.
BIlang bahagi ng programa, magtatalaga ng mas maraming traffic enforcers, patrollers, mga safety and security crew, emergency at medical service crew sa mga exppressways sa timog na bahagi ng Metro Manila.
Tiniyak rin ng TRB Traffic and Road Safety monitoring teams na nakahanda na rin ang mga quick response and emergency team, mga tow trucks at mga gamit sa traffic control sa mga itinalagang lugar upang agad na matugunan ang anumang aberyang magaganap na maaaring magsanhi ng pagsikip ng daloy ng trapiko.
Pinapayuhan rin nila ang mga motorista na maagang planuhin ang kanilang mga biyahe, siguruhing nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan upang maiwasan ang anumang aksidente, at higit sa lahat ay sumunod sa mga batas trapiko.