Barkong pandigma ng Amerika, nakarating na malapit sa artificial island ng China sa WPS

(UPDATE) Nakatawid na sa karagatang sakop ng 12 nautical mile radius sa isa sa mga artificial island na binuo ng China sa Spratly islands sa West Philippines Sea ang barkong pandigma ng Estados Unidos na USS Lassen.

Ayon sa isang US Defense official, nagsimula nang magsagawa ng routine operations sa South China sea o West Philippines sea batay sa umiiral na international law.

Gayunman, nilinaw ng opisyal na walang partikular na bansang pinagtutuunan ng pansin ang hakbang ng Amerika.

Giit pa ng opisyal, handa silang magsagawa ng aerial at sea operations saan mang bahagi ng bansa sa ilalim ng international law.

Una nang tumaas ang tensyon sa South China Sea matapos magtayo ng mga artificial island ang China sa mga pinag-aagawang teritoryo sa bahagi ng naturang karagatan.

Ayon sa mga ulat, may kakayahan nang magtaguyod ng mga military facilities ang China sa lugar dahil sa laki ng mga itinayong isla na ayon sa US, ay  banta sa freedom of navigation.

Una nang inihayag ng China na pawang mga civilian installation ang mga istrukturang itinayo sa kanilang ‘teritoryo’.

Gayunman, batay sa mga satellite images na mula sa Center for Strategic and International Studies, may tatlong malalaking runway, at iba pang pasilidad ang naturang mga isla nay may potensyal na gamitin bilang isang military facility ng China.

 

 

 

 

 

Read more...