CHR, iniimbestigahan na ang pag-aresto sa 3 abogado ng Times Bar

 

SPD Photo

Iniimbestigahan na ng Commission on Human Rights o CHR ang pag-aresto sa tatlong abogado ng Times Bar sa Makati City, dahil sa umano’y pagsagabal ng mga ito sa ginawang search operation ng mga pulis.

Sa isang statement, sinabi ng CHR na mayroon nang moto propio investigation ang CHR-NCR ukol sa insidente.

Kasalukuyan pang sinisiyat sa Quick Response Team ang katotohanan sa likod ng kaso, at nangako ang CHR na ilalabas ang resulta nito sa lalong madaling panahon.

Inaresto ng mga otoridad sina Jan Vincent Sambrano Soliven, Lenie Rocel Elmido Rocha at si Romulo Bernard Bustamante Alarkon, mga abogado ng Times Bar na kamakailan ay sinalakay ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) dahil sa party drugs.

Ang tatlong abogado ay mula sa Desierto & Desierto law firm na kumakatawan sa mga may-ari ng bar.

Depensa ng NCRPO, dinakip ang tatlong abogado dahil sa pagkuha ng mga larawan at pagdodokumento habang ginagawa ng mga pulis ang paghalughog sa bar noong Huwebes.

Ayon sa Makati City police, obstruction of justice ang ginawa raw ng tatlo.

Naghain na rin ang Makati City Police ng kasong “constructive possession of illegal drugs” laban sa tatlong abogado.

Isinailalim na sa inquest proceedings sina Soliven, Rocha at Alarkon.

 

 

Read more...