Sa isang press conference, sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na ang desisyon ay bunsod na rin ng resolusyon sa senado na nagpapasuspinde sa HOV traffic scheme, dahil sa kabi-kabilang reklamo ng mga motorista.
Gayunman, nilinaw ni Garcia na tuloy pa rin ang dry-run ng HOV traffic scheme tuwing rush hours hanggang sa August 22.
Ayon kay Garcia, ang naturang polisiya na kilala rin sa tawag na driver-only ban sa EDSA ay binuo ng mga alkaldeng miyembro ng Metro Manila Council o MMC.
Pag-amin pa ng opisyal, batid ng MMDA na masyado nang umingay at naging kontrobersyal ang HOV traffic scheme.
Nakipagpulong na aniya si MMDA chairman Danilo Lim kay Special Assistant to the President Bong Go at nagpasalamat sila sa Malakanyang dahil sa pagsuporta sa polisisya, kahit pa mismong ang mga senador ang tutol dito.
Pero sa ngayon, hihintayin na lamang muna na mag-convene at magdesisyon ang MMC, na may kapangyarihan na ipatigil o baguhin ang naturang traffic scheme.