39 arestado sa Bohol sa loob lamang ng isang araw

Nagsagawa ng synchornized at magkakahiwalay na operasyon ang mga operatiba ng Bohol Provincial Police kahapon, araw ng Huwebes, August 16 na nagresulta sa pagkakaaresto ng 39 katao at pagkasawi ng dalawang iba pa.

Ayon kay Police Senior Superintendent Angeles Geñorga Jr. na siyang hepe ng Bohol Police, walong buwan nilang pinlano ang operasyon na maituturing na pinakamalaking crackdown sa kriminalidad sa kanilang lalawigan.

Kinilala ang dalawang nasawi na sina Jeffrey Vaño mula sa bayan ng Carmen, at Jaime Olalo na mula naman sa bayan ng Anda.

Kapwa sisilbihan lamang ng search warrant ang dalawa nang pumalag ang mga ito at nanlaban sa mga otoridad na gumanti lamang ng putok at nagresulta sa kanilang pagkasawi.

Narekober muka sa bahay ni Vaño ang apat na malalaking plastic ng hinihinalang shabu na mayroong street value na P1.2 milyon.

Ayon kay Geñorga, dahil sa pagkaaresto ng 39 na mga kawatan ay umaasa silang mababawasan ang bilang ng mga krimen sa lalawigan.

Aniya, partikular nilang tinatarget ang mga sangkot sa iligal na droga at hindi lisensyadong baril dahil ang mga ito umano ang pangunahing dahilan ng paglaganap ng krimen.

Dagdag pa ni Geñorga, malaki na ang ibinaba sa supply ng ipinagbabawal na gamot sa kanilang probinsya.

Read more...