5 nominado para sa pagka-Chief Justice, sumalang na sa interview ng JBC

Sumalang na sa public interview ng Judicial and Bar Council ang limang nominado para sa posisyong Chief Justice (CJ) ng Korte Suprema.

Naglalaban para sa pinakamataas na posisyon sa Hudikatura sina SC Associate Justice (AJ) Teresita Leonardo-De Castro, AJ Diosdado Peralta, AJ Lucas Bersamin, AJ Andres Reyes Jr., At Tagum City Davao Del Norte Regional Trial Court Branch 1 Judge Virginia Tejano-Ang.

Unang sumabak si Bersamin na nangakong gagawa ng istriktong paraan para mabawasan ang mga kasong hawak ng mga mahistrado.

Ayon naman kay De Castro, hindi hadlang ang sakaling maikli niyang panunungkulan bilang CJ kahit na nakatakda siyang magretiro na sa Oktubre.

Giit pa ng most senior justice ng SC, hindi siya ampalaya o ‘bitter’ kay Maria Lourdes Sereno na napiling Chief Justice dahil sa loob ng 20 taon ay mayroon siyang magandang relasyon sa kanyang mga katrabaho sa Hudikatura.

Ibinida naman ni Peralta na mahalaga ang karanasan sa pagpili sa bagong Punong Mahistrado.

Gusto naman ni Reyes na mapabilis ng Korte Suprema ang proseso at pagdedesisyon sa mga kaso.

Inamin naman ni Tejano-Ang na hindi talaga siya naghain ng aplikasyon para sa pagka-CJ kundi para sa pagka-Associate Justice lamang.

Hindi naman niya umano inaasahan na nabakante ang posisyon ng punong mahistrado nang siya ay mag-apply at hindi na siya aatras pa sa aplikasyon para sa pagka-CJ.

Sa darating na Lunes ay magbobotohan na ang JBC para sa shortlist na isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Read more...