Walang maibigay na detalye ang Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa paglalayag ng U.S Destroyer na USS Lassen sa bahagi ng West Philippine Sea malapit sa 12 nautical miles ng Subi Reef at reclamation project ng China.
Ayon kay Defense Public Affairs Service Director Arsenio Andolong, nasa loob ng International Waters ang tinutukoy na lugar kung saan naglayag ang barkong pandigma ng US.
Nilinaw din ng opisyal na tanging ang US Embassy lamang ang siyang otorisadong maglabas ng mga detalye kaugnay sa nasabing misyon ng US malapit sa mga pinag-aagawang mga isla sa Spratly’s.
Pero iginiit ng opisyal na nagpakita lamang ng tinatawag “freedom of navigation” ang barko ng US sa nasabing bahagi ng West Philippine Sea.
Nauna nang sinabi ni AFP Western Command Chief Vice-Admiral Alexander Lopez na hindi nakipag-ugnayan sa kanila ang mga tropa ng America kaugnay sa nasabing misyon.