Hybrid system para sa 2019 national budget napagkasunduan ng Kamara at Malacañan

Matapos ang naging pulong ng mga lider ng Kamara kay Pangulong Rodrigo Duterte ay natuldukan na ang standoff ng Palasyo ng Malacañan at Mababang Kapulungan kaugnay sa panukalang 2019 national budget.

Ayon kay House Majority Leader Rolando Andaya Jr., base sa naging usapan nila, hybrid ang magiging sistema ng pagpapatupad ng budget sa susunod na taon.

Mangangahulugan aniya ito na magkahalo ang cash-based budgeting at obligation-based sa magiging latag ng 2019 budget pero nakadepende ito sa mga ahensya ng pamahalaan.

Aminado si Andaya na maganda ang cash-based budgeting pero hindi ito maaaring ipatupad ng buo lalo na at magkakaroon ng election ban sa mga proyekto.

Nilinaw rin nito na maaaring hindi na magdagdag sa panukalang P3.757 trilyong 2019 budget pero ibabalik at maaaring madagdagan ang mga kinaltas na budget.

Bukod dito, maghahain aniya ang Palasyo ng supplemental budget sa Kamara upang pondohan ang mga mahahalagang programa tulad ng Bangsamoro Organic Law (BOL) at ang dagdag na Internal Revenue Allotments ng mga local government units (LGUs).

Kaugnay nito, aatasan na ng liderato ng Kamara ang House Appropriations Committee upang magbalik sa kanilang budget deliverations.

Magagamit aniya ang kanilang dalawang linggong session break simula ngayong araw para sa pagdinig ng 2019 national budget.

Read more...