Natagpuang palutang-lutang ang bangkay ng isang dalaga sa isang ilog na sakop ng Barangay Dampol Uno, Pulilan, Bulacan.
Kinilala ang biktimang si Angelica Calimlim, 15 taong gulang na ilang araw nang pinaghahanap ng kanyang pamilya.
August 7 nang huling makitang buhay si Calimlim na nagpaalam lamang na bibili sa tindahan.
Lunes, August 13 pa nang natagpuan ang bangkay ni Calimlim at sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga otoridad ng followup operation ay naaresto na ang dalawang lalaking nasa likod ng pamamaslang at panggagahasa kay Calimlim makalipas ang dalawang araw.
Kinilala ang isa sa mga salarin na si Melvin Altubar, 22 taong gulang, habang ang isa pang suspek ay isa namang 16 na taong binata.
Ayon sa Pulilan Municipal Police, sa kanilang imbestigasyon ay una nilang inalam kung nasaan ang nawawalang cellphone ng biktima.
Sa pamamagitan nito ay nalaman ng mga pulis na may kinatagpo ito noong gabi ng kanyang pagkawala.
Kanilang napag-alamang isinanla pala ito ng menor de edad na suspek na agad hinuli ng mga pulis.
Kinalaunan ay natunton din ng mga otoridad si Altubar na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Nabatid na nang malasing ang mga suspek ay ginahasa ng mga ito si Calimlim bago pinagsasaksak.
Sa ngayon ay inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa laban kay Altubar maging sa menor de edad na suspek dahil bagaman wala pa sa hustong edad ay nasa age of discernment na ito.