Aktibong pulis arestado dahil sa pagtutulak ng droga sa Taguig City

Contributed photo

Timbog sa ikinasang drug buy bust operation ng pulisya ang isa nilang kabaro sa Barangay Central Signal, Taguig City.

Nakilala ang suspek na si PO1 Jeffrey Amador na dating nakadestino sa Taguig City Police ngunit inilipat sa Southern Police District – Special Operations Unit (SPD-SOU).

Nabatid na nag-AWOL o absence without leave si Amador.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde, matagal nang minamanmanan ng mga otoridad si Amador.

Ngunit nang lumapit sa himpilan ng mga pulis ang kanyang misis na si Michelle upang ireklamo ito ng pambubugbog ay agad na nagsagawa ng operasyon ang otoridad.

Inamin pa umano mismo ng asawa ni Amador na sangkot ito sa kalakaran ng iligal na droga.

Narekober mula sa suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu at isang kalibre 45 baril.

Nang iharap ang suspek kay Albayalde ay hindi napigilan ng opisyal na sermunan ang pulis.

Dagdag pa nito, ipatatawag na ang mga batchmates ni Amadador upang isailalim sa background investigation at drug test sa hinalang kasama niya ang mga ito sa pagtutulak ng shabu.

Ayon naman kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director, Chief Superintendent Guillermo Eleazar, posibleng sangkot na rin sa iba pang mga krimen ang pulis.

Mahaharap ang pulis sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 9262 o Violence Against Women and Children.

Read more...