65 bahay nasira ng habagat sa Zambales

File Photo

Hindi bababa sa 65 kabahayan ang nasira dahil sa pagbayo ng malalakas na pag-uulan at mga pagbaha dulot ng habagat sa lalawigan ng
Zambales.

Ayon kay Zambales Provincial Disaster Risk Reduction Management Council Officer Ging Macabare Ednalan, pitong mga barangay sa tatlong bayan ang pinakamalaki ang natamong pinsala.

Ito ay ang mga Barangay Lipay, Naulo, Longos, Lucapon North, at Sabang sa Sta. Cruz, Gareta sa Paluig, at Bangan sa Botolan.

Dahil sa matinding pag-ulan ay nasa 800 pamilya o 2,959 na mga indibidwal ang napilitang lumikas sa kanilang mga tahanan.

Ayon pa kay Macabre, karamihan sa mga nagsilikas na mga pamilya ay nakatira sa tabing dagat kaya naman nang magsabay ang hagupit ng habagat at high tide ay nasira ang kanilang mga bahay.

Samantala, passable naman sa mga motorista ang Olongapo-Bugallon Road.

Ngunit nananatiling suspendido ang klase sa ilang mga bayan kabilang na ang Palauig, Subic, San Felipe, Candelaria, Iba, at Castillejos.

Read more...