5 CJ nominees, sasailalim na sa interview ng JBC ngayong araw

Ngayong araw na sasailalim sa interview ng Judicial and Bar Council (JBC) ang limang nominado sa pagka-Chief Justice ng Korte Suprema.

Matatandaang nabakante ang posisyon matapos matalsik ng SC en banc si Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto.

Ang mga sasailalim sa interview ay sina SC Associate Justice (AJ) Teresita Leonardo-de Castro, AJ Diosdado Peralta, AJ Lucas Bersamin, Andres Reyes Jr., at Tagum City Davao del Norte Regional Trial Court Branch 1 Judge Virginia Tejano-Ang.

Magaganap ang interview simula alas-9 ng umaga sa Division Hearing Room ng SC.

Si Bersamin ang unang sasailalim sa interview ngayong umaga na susundan nina de Castro at Peralta.

Mamayang hapon naman ay mauuna si Reyes na susundan ni Tejano-Ang.

Ang final deliberation at selection ng JBC para sa shortlist na isusumite sa presidente ay magaganap sa August 31 ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra.

Read more...