PCOO pinalalalahanan ang mga empleyado na mag-ingat sa paggamit ng social media

Naglabas ng isang memorandum ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) na nagpapaalala sa lahat ng kanilang opisyal at empleyado na maging maingat sa paggamit ng social media.

Ito ay kasunod ng kontrobersyal at viral video ni PCOO Assistant Secretary Mocha Uson kasama ang blogger na si Drew Olivar.

Sa memorandum na inilabas noong August 13 at inisyu ni PCOO Undersecretary for New Media Lorraine Badoy na siya ring pinuno ng Gender and Development Office ng PCOO, ay pinaalala nito sa mga kasama sa ahensya na gampanin ng kanilang hanay ang maging positibong impluwensya sa mga usapin tungkol sa gender at women portrayal sa media.

Paliwanag nito malaki ang kanilang papel sa pagkakaroon ng public awareness at pagbuo ng public opinion.

Aniya pa, dapat ay maging responsable ang bawat isa sa PCOO sa paglalabas ng anumang content sa social media kahit na personal na account ito, at lalo na kung ito ay press release.

Pinaalala din sa memo ang tungkol sa mga responsibilidad ng mga public servant na nakasaad sa ilalim ng Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Partikular na binaggit sa memo ang tungkol sa professionalism na dapat ay ginagawa ng bawat isang alagad ng pamahalaan.

Read more...