Naniniwala si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa na itong magbitiw sa pwesto ay bunsod lamang ng ‘frustration’ o pagkadismaya sa nagpapatuloy na korapsyon sa gobyerno.
Ayon kay Sotto, hindi ugali ng pangulo na iwan ang kanyang trabaho.
Iginiit ng senador na maaaring nasabi lang ito ni Duterte dahil sa init ng ulo o pagkapuno dahil sa matinding korapsyon na umiiral sa pamahalaan.
Nakatitiyak si Sotto na hindi magagawa ng pangulo na magbitiw sa pwesto at tatapusin nito ang kanyang termino.
Tulad anya ng lahat ng opisyal ng gobyerno, ‘stressed-out’ o pagod lamang ang pangulo.
Hinimok naman ng Senate President si Duterte na hindi dapat nito sukuan ang pangakong tuldukan ang korapsyon.
Sa isang talumpati ay sinabi ng pangulo na magbibitiw ito sa pwesto sakaling ang tulad nina Sen. Francis Escudero o dating Sen. Bongbong Marcos ang hahalili sa kanya sa posisyon.