Biniro ng kampo ni Vice President Leni Robredo si Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi nito binanggit ang kanyang running mate noong 2016 elections na si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayeteno bilang isa sa mga pwedeng pumalit sa kanya sa pwesto.
Sa kanyang twitter ay nagtanong si Atty. Barry Gutierrez kung bakit hanggang ngayon ay nakalimutan pa rin si Cayetano.
Matatandaan na sa pagkuwestyon sa kakayanan ni Robredo bilang kanyang posibleng successor, sinabi ng pangulo na bababa lang siya sa pwesto kung ang papalit sa kanya ay tulad nina Senador Chiz Escudero at dating Senador Bongbong Marcos.
Dahil dito, iginiit ng kampo ng pangalawang pangulo na parehong talo sina Escudero at Marcos sa nakaraang halalan.
Giit pa ng abogado, 155,000 na pamilya ang natulungan ni Robredo nang wala umanong anomalya, walang kurakot at habang wala itong pwesto sa gabinete.