Nag-public apology na ang babaeng piskal na naging laman ng social media dahil sa isang viral video kung saan nakasagutan niya si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Commander Bong Nebrija at traffic enforcer sa isyu ng illegal parking.
Personal na nagpunta si Christine Villamora Estepa kasama ang mister sa opisina ni MMDA General Manager Jojo Garcia, Miyerkules ng hapon.
Nag-sorry ang babaeng driver sa nakaalitang si Nebrija at iba pang traffic personnel dahil sa binansagang “5 minute-rule” sa pagpapark lalo na sa ipinagbabawal na lugar.
Humingi rin ng pang-unawa si Estepa dahil naging emosyonal siya at ang panig ng MMDA kaya uminit ang komosyon.
Ayon kay Garcia, kumpirmadong buntis si Estepa.
Naganap ang insidente noong August 14, bago 10:00 ng umaga sa Quezon City. Nasita si Estepa dahil sa illegal parking kaya hiningi ang kanyang lisensya. Gayunman, tumanggi siya kaya lalong tumindi ang tensyon.
Sa kabila ng pag-sorry, sinabi ni Garcia na tuloy pa rin ang kaso laban kay Estepa gaya ng direct assault.