Senado nagpasa ng resolusyon na nagbabasura sa EDSA ‘single ban’

INQUIRER FILE PHOTO | GRIG C. MONTEGRANDE

Agad inaprubahan ng Senado ang resolusyon na nag-aatas sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ihinto ang pagpapatupad ng high-occupancy vehicle (HOV) lane sa EDSA.

Sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senate Minority Leader Franklin Drilon ang nag-akda ng Resolution 845.

Ibinahagi ni Drilon na sa mga bansa na unang nagpatupad ng HOV Lane ay agad din itong binawi dahil hindi rin nakatulong.

Sinabi ni Sotto na karagdagang gastos pa ang mangyayari dahil kailangang kumuha ng driver ang mga ‘single motorist’ para makadaan sa EDSA.

Aniya, sa kanyang sitwasyon dahil siya ang nagmamaneho ng kanyang sasakyan, gagastos pa ng pera ng bayan dahil kukuha siya ng driver.

Sinabi naman ni Recto, kailangan muna ng masusing pag-aaral sa bagong traffic-reducing scheme dahil aniya lilipat lang ang traffic sa mga alternatibong kalsada.

Aniya, dehado ang mga motorista na nagbabayad ng Road Users Tax bukod pa sa mga buwis sa ginagamit nilang gasolina at langis.

Agad ipinag-utos ni Sotto na padalhan ng kopya ng naaprubahang resolusyon ang MMDA matapos walang kumontra sa mga senador.

Read more...