Bulacan, isinailalim sa state of calamity

Photo: Santa Maria Rescue

Nasa ilalim na ng state of calamity ang Bulacan dahil sa malawakang baha sa maraming lugar sa lalawigan.

Batay sa inilabas na resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan, mula noong Hulyo ay hindi na nakakabangon ng husto ang maraming bayan sa Bulacan makaraang manalasa ang mga Bagyong Henry, Inday at Josie.

Pero dahil sa Bagyong Karding na pinalakas pa ng Habagat ay mas nagbanta ang malubhang kalamidad at malawakang pagbaha.

Ayon sa provincial government ng Bulacan, malaki ang mga naidulot na pinsala ng baha sa sektor ng agrikultura, kabuhayan at imprastraktura.

Sa kasalukuyan, baha pa rin ang ilang parte ng Bulacan partikular sa Balagtas, Hagonoy, Malolos, Marilao, Obando, Paombong at iba pa kaya kanselado pa rin ang klase sa mga paaralan.

Sa state of calamity, maaari nang gamitin ang calamity fund para sa relief operations at pagpapaaayos ng mga nasirang imprastraktura. May iiral din na price freeze sa mga pangunahing produkto.

Kaugnay nito, pinapayuhan ng lokal na pamahalaan ng Bulacan ang mga apektadong residente na mag-avail ng calamity loan sa Social Security System (SSS) o sa PAG-IBIG.

Kumuha lamang ng kopya ng deklarasyon ng state of calamity sa Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan.

Read more...