Mga nasawi sa Leptospirosis sa NCR, pumalo na sa 100

Inquirer file photo

Pumalo na sa 100 katao ang nasawi sa National Capital Region (NCR) dahil sa Leptospirosis.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, nasa 1,121 na kaso ang naitala sa kasagsagan ng pag-ulan nitong mga nakalipas na buwan.

Ayon kay Duque, nakalulungkot na marami ang namamatay sa Leptospiros gayung napaka-simple ng sakit at madaling magamot.

Sapat din aniya ang ipinamimigay na Prophylaxis at Doxycycline antibiotics sa evacuation areas sa NCR, halimbawa na ay sa Malanday Elementary School sa Marikina City at sa Barangay Bagong Silangan sa Quezon City.

Mahigpit aniya ang monitoring ng Department of Health katuwang ang city health offices para masiguro na hindi hahantong sa malalang kumplikasyon ang mga tatamaan ng Leptospirosis.

Hindi naman ipinapayo ng DOH ang pag-inom ng Doxycycline at Prophylaxis sa mga buntis at mga bata, bagkus ay mayroon sila aniyang ibang klaseng antibiotics na ibinibigay para sa mga ito.

Muling paalala ni Duque sa publiko, magsuot ng bota kung lulusong sa baha.

Kung hindi maiiwasan, agad aniyang magpakunsulta sa doktor at humingi ng suplay ng kaukulang antibiotics pangontra sa Leptospirosis.

Ang Leptospirosis ay sakit na nakukuha sa pagkaka-expose sa ihi ng daga, na karaniwang humahalo sa baha.

Read more...